December 25, 2024

INTEGRITY BILL SA KONGRESO SUPORTADO NG COMELEC

SUPORTADO ng Commission on Election ang Integrity Bill na sinusulong sa Kongreso na naglalayong maamyendahan ang Omnibus Elections Code o OEC.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Comelec Spokeman Atty John Rex Laudiangco na sinusuportahan ng komisyon ang sinusulong na Integrity Bill sa Kongreso na mag-aamyenda sa Omnibus Elections Code.

Sa ilalim ng Omnibus Elections Code, nakasalalay sa mga LGU ang pagbibigay ng tanggapan sa local Comelec office, ngunit sinabi ni Laudiangco, na mahirap umasa sa mga LGU lalo na at kapag nagalit ang politician ay naaapektuhan ang kanilang operasyon.

Inihalimbawa ni Laudiangco ang isang pulitiko sa South na nagalit sa Comelec kaya pinutulan sila ng kuryente, kasunod ay tinanggalan na sila ng tubig at sa huli ay inalis na ang hagdanan

Sa ilalim naman ng panukalang pag-amyenda sa OEC, bibigyan ng sariling pondo ang Comelec para sa kanilang operasyon.

Nabatid kay Laudiangco na napakalaki ng ginagastos ng Comelec sa mga inuupahang gusali at mga tanggapan.

Sa Comelec main office pa lamang aniya na nasa Palacio del Gobernador, ay umaabot na sa ₱100-M kada taon ang renta ng komisyon, hindi pa aniya kasali rito ang upa sa mga warehouse na nasa Quezon City, Laguna at iba pang lugar.

Samantala, umaasa si Laudiangco na sa 2025 ay  matapos na ang kahit na main building ng Comelec na itinatayo sa tabi ng Redemptorist Church sa Baclaran, Pasay City.