January 14, 2025

INDONESIAN NATIONAL NA NAARESTO NG PAOCC SA BATAAN, PINALAYAS NG BI

PINA-DEPORT na ng Bureau of Immigration ang isang Indonesian national na naaresto kamakailan lang ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Bagac, Bataan.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, si Handoyo Salman, 40, ay kabilang sa 42 dayuhan na naaaresto ng PAOCC at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong nakaraang Oktubre 31 dahil sa pagkakasangkot sa online gambling activities.

Matapos iberipika ng Indonesian government, sinabi ni Viado na napag-alaman na itong si Handoyo ay wanted pala sa Indonesia dahil sa paglabag sa information and electronic transactions at money laundering crimes.

Inutusan siyang i-deport dahil sa pagiging undesirable alien at pinabalik sa Indonesia noong Nobyembre 21.

Samantala, ang 41 dayuhan ay sumasailalim pa rin sa deportation proceedings.

Sinabi rin ni Viado na hawak na ngayon ng BI ang mga pasaporte ng mga dayuhan at ang kanilang mga pangalan ay kasama sa listahan ng hold departure. ARSENIO TAN