January 19, 2025

INDON BOXER PALULU BASAG SA POWER PUNCHES NI SUAREZ

Si champ Charly Suarez ng Pilipinas kasama si trainer/ coach Delfin Boholst sa kanilang paghahanda sa kanyang laban kay Indon Defry Palulu.

NAWALA ang kayabangan ng pambatong Indonesian fighter na si  Defry Palulu matapos niyang matikman ang power punches ng ating kababayang sa Charly Suarez sa kanilang bakbakan kamakalawa ng gabi  sa Vong Tao, Vietnam .

Sa  mga media  interviews  bago ang Suarez-Palulu fightnight, kumpiyansiya ang Indon pug na  tatalunin ang Pinoy pug at naging  Olympian boxer na si Suarez dahil wala umano itong  puwersa at kaya niya ang suntok  pagdating ng bakbakan nila sa kwadradong lona.

Sa sandali ng katotohanan, sa unang round pa lang ay mistulang humihingi na ng saklolo si Palulu sa kanyang anghel nang matikman niya ang kamandag na kamao ni King Warrior Suarez na nasundan pa ang mga lagapak ng mga sapak  ni Charly sa pagmumukha ng gulantang na si Defry.

Basag ang ilong pati pride at ‘di makakita ang kaliwang mata ng Indonesian pugilist dahilan upang itigil ng referee ang one-sided na bakbakan at itaas ang kamay ni Suarez na wagi via TKO sa third upang maisukbit ang IBF Super Featherweight belt at naglagay sa kanya sa ranggo na ng mga world boxing contenders.

Bunga nito ay ang imminent nang pagtaas ng rating ni Suarez na ang misyon ay makamit na ang world boxing championship sa malaong hinaharap at magiging isa sa wòrld’s best si Charly Suarez.

“Nagpapasalamat po ako sa ating Panginoon sa victory at protection na kaloob niya po sa akin,” pahayag ni Suarez via fb messenger.

Buong kagalakan din ang nadarama ng kanyang buddy-buddy sa training hanggang sa ring na si coach Delfin Boholst. “Nung tamaan siya ng snap na suntok ni Charly sa first,ininda ito ng kanyang kalaban.Kaya nung nakita ko nasaktan ang Indonesian,ang instruction ko kay Charly ay ulitin niya at nasunod naman, ang mga kumbinasyong pinawalan niya  ay bugbog-sarado ang kalaban kaya ipinatigil na ito ng doktor dahil sabi ni Palulu wala na raw siyang  nakikita sa kaliwang mata,hindi ang broken nose ang ininda ng kalaban kundi ang di na siya makakita,” wika ni Boholst.

Ang Team Suarez ay nakatakdang bumalik ngayon sa Pilipinas bitbit ang kampeonato handog sa kababayang Pilipino.