
Sa dami ng ingay sa paligid ng isinusulong na impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, may isang tahimik pero mahalagang tanong na dapat pagtuunan ng pansin: Kailan pa naging opsyonal ang Saligang Batas?
Hindi sikreto na ang impeachment ay isang mabigat at sensitibong proseso. Pero malinaw ang itinatakda ng ating Konstitusyon: kapag inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ang Articles of Impeachment, tungkulin ng Senado na agad itong dinggin sa pamamagitan ng isang impeachment trial. Hindi ito usaping “kung kailan may oras” o “kung trip ng mga senador.” Obligasyon ito ng bawat isa sa kanila.
Kaya nakakabahala na sa halip na sumunod, tila pinipilit ng ilan — maging sa Senado o sa Korte Suprema — na hanapan ng lusot ang malinaw na itinakda ng batas. Ang ilang senador, halatang ayaw pang umupo bilang impeachment court. Ang ilan nama’y tila nag-aabang kung may maipapasang technicality para maisalba ang ini-impeach. May ilang boses pa sa judiciary na tila gustong makialam — kahit sila mismo ang maaaring kasunod na masalang sa parehong proseso.
Hindi ito simpleng legal na usapin. Ito ay direktang salamin ng pananagutan at respeto sa demokrasya. Kapag ang mga may kapangyarihan ay gumagawa ng paraan para makaiwas sa impeachment, para na rin nilang sinabing: “Hindi kami pwedeng panagutin. Kami ang batas.”
Kung ganyan ang takbo ng ating pamahalaan, saan pa dadaloy ang hustisya? Paano pa masisiguro ng taumbayan na ang mga nasa pinakamataas na puwesto ay hindi makakalusot sa kasalanan?
Ang katotohanan: Impeachment ang natatanging paraan para managot ang mga opisyal tulad ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, at mga mahistrado. Kapag sinadya nilang pigilan ang proseso, winawasak nila ang mismong sistema ng checks and balances na pundasyon ng ating pamahalaan.
Kung talagang walang kasalanan ang ini-impeach, harapin ang paglilitis. Patunayan sa tamang proseso na siya ay inosente. Pero kung ang layunin ay patagong pigilan ang impeachment trial bago pa man ito magsimula, isa lang ang malinaw — may kailangang itago.
At sa mata ng sambayanan, ang pananahimik, ang pag-antala, at ang pag-iwas ay kasingbigat ng aktwal na kasalanan.
Panahon na para magsalita ang taumbayan: Sundin ang Saligang Batas. Ituloy ang paglilitis. Huwag gawing laruan ang batas. Dahil kung hindi, baka isang araw, wala nang maniwala sa hustisya.
More Stories
CHARO AT DINGDONG, MAY HALIKAN SA BAGONG ROMCOM?
MATAPOS ANG NETFLIX, IBA PANG APP TATAAS NA RIN ANG PRESYO DAHIL SA VAT
“3 Pinoy Seaman Nakakulong sa Algeria, Mga Asawa nagpasaklolo kay PBBM