Mahigpit na binabantayan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang development ng Bagyong “Amang” at ang potensiyal na impact nito sa mga paliparan sa Bicol region, Northern Samar at hilagang bahagi ng Eastern Samar.
Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, pagaganahin ng awtoridad ang contingency plans nito para sa matinding lupit ng panahon upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga pasahero at tauhan ng paliparan kung sakaling magkaroon ng abala sa paglipad dahil sa tropical depression.
“CAAP is also closely coordinating with airline operators and other concerned agencies to minimize hazard and impact, and ensure the efficient resumption of flight operations once weather conditions permit,” saad niya.
Bilang bahagi ng paghahanda, ang CAAP Area Center 5 sa pangunguna ni Area Manager Cynthia M. Tumanut ay nagsagawa ng mga inspeksyon sa mga pasilidad ng paliparan sa Bicol, Bulan, Sorsogon, Daet, Masbate, Naga, at Virac, gayundin ang kanilang mga kagamitan upang matiyak ang kahandaan para sa anumang mga pangyayari.
Ayon kay Apolonio, mahigpit ding binabantayan ng awtoridad ang weather updates at advisories mula sa PAGASA at magbibigay ng updates sa publiko kung kinakailangan.
Samantala, pinaalalahanan ng CAAP ang publiko na manatiling may kaalaman at sundin ang mga tagubilin ng mga tauhan ng paliparan at mga airline operator, partikular sa mga kaso ng mga pagkansela o pagkaantala ng flight. ARSENIO TAN
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO