Mariing pinabulaanan ni Senador Imee Marcos ang mga espekulasyong siya ang nasa likod ng usap-usapan tungkol sa balasahan sa liderato ng Senado. Sa isang pahayag sa Facebook nitong Linggo, Pebrero 8, binigyang-diin ng senadora na wala siyang kinalaman sa anumang pagkilos upang patalsikin ang kasalukuyang liderato.
“Gusto ko lamang pabulaanan ang kumakalat na pahayag na ako ang kumumpas sa balasahan sa Senado—hindi ako,” pahayag ni Marcos. Idinagdag pa niya na ang mga kasamahan niya sa minority bloc ang makakapagpatunay na huli na siyang nakaalam at sumapi sa mga diskursong may kaugnayan sa nasabing isyu.
Ang usapin ng leadership shakeup ay muling uminit matapos ang naging pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kamakailan. Ayon kay Sotto, isa sa mga naging “trigger” ng tensyon sa loob ng mataas na kapulungan ay ang pagkakaalis kay Marcos bilang tagapangulo ng Committee on Foreign Relations, na ibinigay naman kay Senator Erwin Tulfo. Gayunpaman, nilinaw ni Sotto na nananatiling “solid” ang mayorya at nabigo ang anumang tangka na makuha ang kinakailangang 13 boto upang palitan siya sa pwesto.
Sa kabila ng mga ingay ng kudeta, nananatiling kampante si Sotto at sinabing hindi na bago sa kanya ang ganitong mga politikal na sitwasyon. Aniya, handa siyang bumaba sa pwesto kung sakaling magpasya ang kanyang mga kasamahan na palitan siya, ngunit iginiit na wala pang pormal na hakbang na nakakakuha ng sapat na suporta.
Samantala, sinabi ni Marcos na hindi niya ikinakasama ng loob ang mga internal na diskurso sa Senado basta’t ito ay para sa “tamang dahilan.” Bilang isang kritiko ng administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inamin niya na wala siyang inaasahang espesyal na trato pagdating sa internal na politika ng Senado.
