June 1, 2025

ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA

VALENZUELA CITY — Isang masinsinang imbestigasyon ang isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa W.L. Foods Corporation matapos isumbong ng mga manggagawa ang umano’y di-makatarungan at mababang pasahod sa pamamagitan ng Raffy Tulfo in Action (RTIA).

Sa tulong ni Senator Raffy Tulfo, Vice Chairman ng Senate Committee on Labor and Employment, agad na inaksyunan ng DOLE ang reklamo at nagsagawa ng on-site inspection sa planta ng kompanya sa Valenzuela.

Sa imbestigasyon, kinumpirma ng DOLE na may mga manggagawang lagpas isang taon nang nagtatrabaho sa kompanya ngunit P400 lang ang sahod kada araw, taliwas sa umiiral na minimum wage.

May ilan din sa ilalim ng “pakyawan” o piece-rate system na kinakailangang magtrabaho ng hanggang 12 oras para lang makakuha ng ₱700. Ngunit batay sa tamang wage computation ng DOLE, ang ganitong haba ng trabaho ay dapat may katumbas na ₱1,048 kada araw — ibig sabihin ay nalulugi ang mga manggagawa ng halos ₱348 kada araw dahil sa hindi bayad na overtime.

Ikinagulat din ng DOLE na hindi kabilang ang W.L. Foods sa mga kumpanyang may awtorisasyong gumamit ng piece-rate scheme mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).

Dahil dito, inatasan ni Sen. Tulfo ang DOLE na palalimin pa ang imbestigasyon at obligahin ang kumpanya na bayaran ang mga back wages ng mga naapektadong manggagawa. Hinikayat din niyang i-regular ang mga matagal nang manggagawa na nananatiling nasa casual status at tumatanggap ng sahod na mas mababa pa sa minimum.

Sa isang consultative meeting ng Senado, hinarap mismo ni Sen. Tulfo ang legal counsel ng W.L. Foods at matapang na iginiit na tuparin ng kompanya ang lahat ng obligasyon nito sa mga manggagawa, bagay na sinang-ayunan naman ng kinatawan ng kumpanya.

Samantala, naglabas ng kautusan ang DOLE na ipag-utos sa W.L. Foods ang agarang pagtigil sa paggamit ng piece-rate system hangga’t wala silang kaukulang pahintulot mula sa NWPC.

“Hindi na natin dapat hinahayaan ang ganitong klase ng pagsasamantala. Ang manggagawa ay hindi alipin,” diin ni Tulfo sa panayam.

Sa gitna ng panawagang hustisya para sa mga obrerong matagal nang nagtitiis sa mababang sahod, sinisiguro ni Sen. Tulfo at ng DOLE na walang kumpanyang lalabag sa karapatan ng manggagawa ang makakalusot sa Bagong Pilipinas.