June 25, 2025

Ilang insidente, naitala sa Wattah Wattah Festival 2025 sa San Juan

San Juan City — Sa kabila ng tagumpay ng Wattah Wattah Festival 2025, ilang insidente pa rin ang naitala, karamihan ay dulot ng matinding init ng panahon, habang nananatiling isang malaking hakbang ang mahigpit na pagpapatupad ng mga bagong safety protocols ng pamahalaang lungsod.

Batay sa ulat ng Incident Command Center, 18 insidente ang naitala sa gitna ng selebrasyon nitong Hunyo 24, kung saan umabot sa 41 degrees Celsius ang heat index.

Karamihan sa mga insidente ay heat-related, kabilang ang dalawang  kaso ng hirap sa paghinga, walong kaso ng heat exhaustion at walong minor injuries,

Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga biktima ay mga street dance performers na lubos na na-expose sa init habang nagsasayaw sa kalsada. Agad namang nakaresponde ang mga medical teams, at walang seryosong pinsala ang naiulat.

Isa sa positibong epekto ng bagong ordinansa ay ang wala ni isang insidente ng hindi awtorisadong basaan ng mga taong hindi kalahok sa pista — isang pangyayaring madalas ireklamo sa mga nakaraang taon. Ayon kay Mayor Francis Zamora, ito ang patunay na disiplina ay kayang isabay sa tradisyon.

“Naipakita natin ngayong taon na pwedeng maging masaya, ligtas, at disiplinado ang Wattah Wattah. Hindi biro ang baguhin ang nakasanayan, pero ipinakita ng San Juaneño na posible ito,” ani Zamora.

Bukod sa heat-related incidents, may naitalang tatlong public disturbances, limang ordinance violations, tatlong kaso ng nawawala at nahanap na gamit at isang kaso ng nawawalang tao (kasalukuyang inaasikaso).

Bagamat minor ang mga ito, muling ipinaalala ng lungsod na kailangang mas paigtingin pa ang early medical deployment, hydration stations, at crowd control sa mga susunod na taon — lalo na kung inaasahan ang matinding init.

Nakatakdang magsagawa ng post-event assessment ang pamahalaang lungsod upang pag-aralan ang mga naging hamon at tagumpay ng kapistahan. Layon nito na gawing mas matatag ang sistema ng seguridad at serbisyong medikal sa mga susunod pang edisyon ng festival.