January 23, 2025

IGALANG AT IRESPETO ANG OPINYON AT PANANAW NG BAWAT ISA

Magandang araw sa inyo mga Ka-Sampaguita. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan. Medyo di maganda ang mga patutsadahan ng mga supporters ng mga kandidato.

Hindi lang medyo, kundi talagang garapalan na. Kanya-kanya ng manok. Hindi natin sila masisisi kung may pinapanigan ang iba. Pero sana naman, respeto sa kapwa di po ba?

Aba’y kung di mo type ang kandidato nila, aba’t tawagin ka ba namang bobo! Tanga, uto-uto at mahina ang ulo. Ganyan ang litanya ng mga mahihina. Ganyan ang iba kapag ikaw ay supporter ni BBM at ng UniTeam.

Anong klaseng tao ang mga ganyan! Kesyo, di na daw nadala dahil iboboto daw uli ang isang magnanakaw. Talaga ba? Lumang tugtugin na ‘yan. Pati ang Martial Law. Natutuliling na ang tainga ang taumbayan. Yan at yan din ang ibabato nila kay Bongbong Marcos.

Kung sino gusto mo, yun na. Huwag nang pakialaman ang gusto ng iba. Kung gusto ng karamihan si BBM, huwag nyong siraan at pulaan ang iba. Huwag nyong tawaging uto-uto at dinidiktahan. Pero, kung nataon na sa gusto nyong kandidato nakakiling ang iba, hindi na sila bobo, ganun?

Sawang-sawa na ang taumbayan dahil ganyan na lang lagi ang ibinabato nila. Nabuksan na ang diwa at kaisipan ng iba. Kumusta ang kandidato nila? Hayun, pikit-mata at pinalalakas-loob na lang ang sarili nila na may pag-asa. Kahit na wala namang tsansang manalo. ‘Yan ang totoo di po ba?

Igalang natin ang opinyon ng iba. May kanya-kanya tayong pag-iisip. Malaya ang iba o kahit ng samahan na magkaisa. At walang karapatan ang iba na manghimasok, dahil yan ang nais nila.