NASA mahigit P.5 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Liga, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas “Benson”, 45, tricycle driver ng Brgy. Karuhatan.
Ayon kay Col. Cayaban, nagpositibo ang natanggap na impormasyon ng mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu kaya ikinasa ng SDEU ang buy bust operation.
Nang matanggap ang senyas mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa kanilang target ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto nila ang suspek dakong alas-9:50 ng gabi sa kahabaan ng Rubber Master Road, Brgy., Lingunan.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 75grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P510,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA