December 21, 2024

HVI tulak, huli sa P340K shabu sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas “Nunoy”, 33 ng Brgy. Gen T De Leon.

Ayon kay Col. Cayaban, ikinasa ng mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon ng SDEU hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek.

Dakong alas-11:25 ng gabi nang sunggaban ng mga operatiba ng SDEU ang suspek matapos umanong bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Santolan Service Road, Brgy. Gen T De Leon.

Nasamsam sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga P340,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money, at P200 recovered money.

Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni Col. Ligan ang pagsisikap ng mga operatiba na nagresulta matagumpay na operation.

Aniya, ang operasyong ito ay isang malinaw na pagpapakita ng kanilang walang humpay na pagtugis para lansagin ang mga sindikato ng droga sa rehiyon.