TAIMTIM ang nagìng pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano kaugnay nang naging masamang pangyayaring krimen na ikinasawi ng isang kabataang bayaning atleta ng bansa dahil lang sa walang kuwentang karahasan
“Lubos akong nalulungkot sa malagim na pagpanaw ni Mervin Guarte. Isa siyang minamahal na kabataan na nagbigay ng karangalan sa ating bansa bilang gold medalist sa Southeast Asian Games at nagsilbi nang buong puso bilang Airman First Class sa Philippine Air Force.
Dahil lamang sa isang walang saysay na karahasan, nawala sa atin ang isang talentadong atleta at dedikadong serviceman. Sa isang iglap, ninakaw sa kanya ang pagkakataong magpatuloy sa pag-abot ng kanyang mga pangarap at maglingkod pa sa kanyang pamilya, komunidad, at sa ating bayan.
Nakikiisa ako sa pamilya Guarte, sa buong sports community, at sa Philippine Air Force sa pagdadalamhati sa pangyayaring ito. Taos-puso kong ipinapanalangin ang kapanatagan ng kanilang mga puso sa gitna ng matinding pagsubok na ito.
Bigyang-pugay natin ang alaala niya hindi lamang sa pamamagitan ng pagdiriwang sa kanyang mga nakamit kundi sa paghahanap ng hustisya para sa karumal-dumal na krimeng kanyang sinapit.
Sa ating mga tagapagpatupad ng batas, mariin kong ipinapanawagan ang pagsasagawa ng agaran at masusing imbestigasyon upang masigurong mapananagot ang nasa likod ng krimeng ito. Walang puwang sa ating lipunan ang karahasan, at tungkulin nating lahat na tumulong sa pagkamit ng isang mas ligtas na Pilipinas para sa lahat.
Sumalangit nawa ang kaluluwa ni Mervin. Magsilbi nawang inspirasyon sa mga kabataang Pilipino at sa mga susunod pang henerasyon ang naging buhay niya bilang atleta at tagapagsilbi ng bansa. Sa tulong ng ating Panginoon, umaasa tayong mamamayani ang nararapat na hustisya para sa kanya ,”pahayag ni statesman,public servant at sportsman Cayetano. (DANNY SIMON)
More Stories
4 patay sa pamamaril sa Batangas
4 KAWANI NG NBI, KASABWAT NA 7 FIXERS KALABOSO
2 CHINESE ARESTADO SA NAIA DAHIL SA PEKENG VISA