December 25, 2024

Huli sa kwarto kasama ang kalive-in… KABIT PINAGSASAKSAK NG TAXI DRIVER

PINAGSASAKSAK ng 49-anyos na taxi driver ang lalaking hinihinala niyang karelasyon ng kanyang kalive-in matapos mahuli sa loob ng kanilang silid ang dalawa sa Malabon City.

Nalapatan naman kaagad ng lunas sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si Randy Dejac, 38, helper at residente ng No. 5 Goldendale St. Brgy. Tinajeros kung saan siya kasalukuyang nakaratay sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Northern Police District (NPD) Mobile Force Battalion ang suspek na si Hipolito Gelicame sa kanilang tirahan sa 143 Pangulo Road, Brgy. Panghulo at isinuko pa ang ginamit niyang patalim sa pananaksak sa biktima.

Lumabas sa imbestigasyon nina Malabon police homicide investigators P/SSgt. Diego Ngippol at P/Cpl. Michael Oben na pumapasada ang suspek ng minamanehong taxi nang maisipan nitong gumarahe muna dakong ala-1:35 ng madaling araw nang lingid sa kaalaman ng kanyang babaing kinakasama.

Nakapasok sa loob ng kanilang bahay si Gelicame nang hindi namamalayan ng kalive-in subalit nang pumasok siya sa kanilang silid, dito niya naabutan ang biktima at ang kinakasama.

Sa tindi ng galit at panibugho, kinuha ng suspek ang balisong na nakapatong sa loob ng kanilang refrigerator at sunod-sunod na inundayan ng saksak si Dejac habang nagtatakbo naman palabas ng bahay ang kanyang kinakasama upang humingi ng saklolo sa mga nagpa-patrulyang mga pulis. Nakatakdang-prisinta ng mga pulis ang suspek sa piskalya ng lungsod ng Malabon para sa kakaharaping kasong frustrated homicide.