November 20, 2024

BOC INIHATID 1,996 ABANDONADADONG BALIKBAYAN BOXES SA RECIPIENTS

NAIHATID na ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa 1,996 na “unpaid” at abandonadong balikbayan boxes sa mga recipient nito simula pa noong July 2022.

Ayon sa BOC ang 1,667 sa nasabing bilang ay nai-deliver na habang ang 329 boxes ay napick-up ng mga consignee sa itinalagang warehouse.

Kabilang sa mga nai-deliver na package ay ang 1,450 boxes na naka-consign sa CMG International Movers and Cargo Services.

Habang ang natitirang 30 boxes ay hindi pa naide-deliver dahil sa hindi kumpletong impormasyon, walang kumpirmasyon o kaya ay walang sagot na natanggap ang BOC mula sa recipients o senders.

Nagproseso din ang BOC ng 1,154 balikbayan boxes na naka-consign sa Island Kabayan Express, 329 dito ay kinuha ng mga recipient sa Portnet Logistics Warehouse sa Sta. Ana, Maynila.

Kasunod nito, inendorso ng BOC ang natitirang 825 na kahon sa Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) para sa agarang paghahatid ng mga ito.

Sa ngayon, 217 parcels ang matagumpay na naihatid, 310 ang out for delivery, at 210 ay para sa dispatch.


Ang 16 container na may 4,625 balikbayan boxes na naka-consign sa Win Balikbayan Cargo LLC (All Win) ay kasalukuyang nasa kustodiya ng
Association of Bidders sa Bureau of Customs (ABBC) sa Hobart Warehouse sa Balagtas, Bulacan.

Ilang boxes  na ang naipamahagi at nakuha ng mga consignee mula sa bodega sa Bulacan. Balak ng BOC na ihatid ang mga natitira pang hindi na-claim na package, partikular na ang mga papunta sa Visayas at Mindanao.


Pinalawig din ng BOC ang pag-claim ng mga package sa Hobart Warehouse ng isa dalawang linggo batay na rin sa kahilingan ng mga consignee.

Iaanunsyo ang iskedyul ng pick-up sa  sandaling makumpleto ng ABBC ang imbentaryo ng mga balikbayan box sa November 9.

Sa pagpupulong ng BOC at ABBC nitong Lunes, November 7, iminungkahi ng BOC ang pagbuo ng joint team na magpapatupad ng sistema para sa mahusay at mabilis na pagpapalabas at paghahatid ng mga balikbayan boxes.


Nagbabala ang BOC sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na maging mapagbantay laban sa mga kahina-hinalang freight forwarder na patuloy na bumibiktima sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).


Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ang kawanihan ay patuloy na magsisikap na matiyak ang pamamahagi ng mga balikbayan box sa mga pamilya ng mga OFW sa oras ng kapaskuhan.


Samantala, maari umanong personal na maghain ng reklamo ang mga overseas Filipino Workers (OFWs) na nagkaproblema sa kanilang mga balikbayan boxes, ayon sa Bureau of Customs (BOC) upang mapanagot ang mga kumpanya na nag-abandona sa mga ito.

Ito ang sinabi ni BOC Spokesperson Arnold de la Torre Jr.


Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMWs) para bigyan ng babala ang mga OFW’s hinggil sa palpak na operasyon ng CMG International Movers, Island Kabayan Express Cargo at Win Balikbayan Cargo.


Sinabi rin ng opisyal na nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB) para naman mapanagot ang local company na kontak ng mga nabanggit na kumpaniya.