November 24, 2024

Pulis, 1 pa arestado sa baril sa Caloocan

ARESTADO ang dalawang katao, kabilang ang isang aktibong pulis matapos makuhanan ng baril sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na natanggap ni Caloocan Acting Police Chief P/Col Ruben Lacuesta mula kay Police Sub-Station 15 Commander P/Capt. Demile Tubbali, nagpapatrulya aniya ang kanyang mga tauhan sa Phase 7A, Brgy 176 Bagong Silang nang lumapit ang isang residente sa lugar dakong alas-4 ng madaling araw at ipinabatid ang nasaksihang pagdadala ng baril ng dalawang lalaki na kinilala lang sa alyas “Lel-Lek” at “Jon-Jon”.

Kaagad na nagtungo sa sinasabing lugar sa Phase 7 ang mga pulis at dito nila inabutan na ini-aabot ni alyas Jon-Jon sa kasama ang isang baril subalit nang makita ng dalawa ang paparating na mga pulis, kumaripas umano ng takbo ang mga ito subalit kaagad din silang nakorner matapos ang maikling habulan.

Nakuha sa suspek na si Ulrick Waldemar, alyas Lek-Lek, 34, ang isang kalibre .45 baril at tatlong magazine na pawang may kabuuang lamang 21 bala na umano’y iniabot sa kanya ng naaresto ring si P/SSgt. Gideon Geronga, Jr. 44, alyas Jon-Jon, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 16 sa Pasong Putik at residente ng Bagong Silang.

Sinabi ni Col. Lacuesta na patuloy ang ginagawa nilang 24-oras na pagpapatulya sa ilalim ng programang S.A.F.E. NCRPO na inilunsad ni National Capital Region Police Office Director P/BGen. Jonnel Estomo na magpapatunay na gising ang kapulisan habang tulog ang mamamayan.

Pinuri naman ni Regional Director BGen. Estomo ang mga tauhan ng Caloocan City Police sa pagdakip sa kanilang kabaro bilang patunay sa patuloy nilang paglilinis sa kanilang hanay. Kasong paglabag sa R.A. 10591 ang isasampa ng mga tauhan ng Caloocan police laban sa dalawang nadakip sa piskalya ng Caloocan City.