December 24, 2024

29 VOTE-BUYING CASES, NAKABINBIN SA COMELEC

KINUMPIRMA ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na nakabinbin pa rin ang 29 kaso ng vote buying sa katatapos na 2022 Presidential elections.

Ginawa ni Chair Garcia ang pahayag matapos sumalang sa pagdinig ang kanilang panukalang pondo sa 2023 na halagang  P5.2-billion sa Senate sub-committee on finance na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos.

“Meron po tayong 29 na kaso na naka pending sa Comelec Law Department. Meron po tayong anim na kaso na naka-file po sa iba’t ibang prosecutor office ng anim na lugar sa iba’t ibang parte ng Pilipinas,” ayon kay Garcia

Sinabi pa ni Garcia na may naitala rin ang  Comelec Task Force Kontra Bigay na  1,000 reklamo sa nakalipas na eleksyon pero hindi ito naituloy dahil walang sapat na ebidensya o pormal na reklamo.

“Ang ibig sabihin, wala pong karadgagang ebidensya, wala pong formal na complaints. Hindi po siya titibay o hindi siya tatayo sa korte kahit sa issue na tinatawag na probable cause. So hindi po ito naging isang tunay na kaso para mabigyan ng tamang atensyon at magkaroon ng tamang paglilitis,” dagdag pa ni Garcia

Nirekumenda ni  Garcia na panahon na upang rebyuhin ang batas laban sa vote-buying dahil naipatupad ito simula pa noong 1985.

“At dahil diyan marami na pong pangyayari mga bagong karanasan patungkol sa pamimili ng boto ay maaring hindi na po covered nitong Section 261 [of the Omnibus Election Code]. Kaya kinakailangan na maredefine ayusin natin ang tamang definition ng vote buying,” saad pa ng Comelec chair.

Tinawag pa ni Garcia na “modern cancer of our democratic way of life” ang vote buying scheme.

Samantala, inendorso na ng komite ang higit P5.2 billion budget ng COMELEC sa 2023 matapos makuntento si Senadora Marcos sa kanyang hinihinging mga impormasyon sa nakatakdang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataang Election sa October ng susunod na taon.