January 23, 2025

P6.8-M “shabu” nasabat sa 2 tulak sa Jolo, Sulu

COTABATO CITY – Nasamsam ng mga pinagsanib na elemento ng mga otoridad ng PDEA Sulu BARMM, RIU IX, 7th SAB SAF, Jolo MPS, 1st PMFC, RMFB Basulta 4th Company, PIU SPPO at ng 11th Military Infantry Batallion, na mga nagsagawa ng anti-illegal drugs buy-bust operation ang isang kilo ng mga pinaghihinalaang shabu sa dalawang suspek na mga nagbebenta ng iligal na droga nitong hapon ng Lunes sa Kakuyagan Street, Brgy. San Raymundo ng Jolo, Sulu.

Kinilala ang nadakip na suspek na sina Alfagar Asgali alyas “Ben”, 27 anyos at pinaniniwalaang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at si Madjid Arandani Sala alyas”Mads/Dams”, 41, parehong residente sa Kabuukan Hadji Panglima Tahil sa Sulu.

Base sa ipinadalang report ni PDEA BARMM Regional Director Rhoel Daculla sa opisina ni PDEA Director General Undersecretary Wilkins Villanueva, nakipagtransaksyon ang dalawang suspek sa isang PDEA agent na nagpanggap na bibili ng droga at ng magpositibo ang operasyon ay agad na dinakip ang mga suspek.

Narekober sa posisyon ng mga suspek ang isang kulay itim na echo bag na naglalaman ng dalawang piraso ng transparent plastic sachet na may laman ng mga pinaghihinalaang shabu na may bigat na isang  kilo at may estimated market value na  P6,800.00,  mga identification cards, isang unit ng mobile phone at ang ginamit na buy-bust money. Nakakulong na ngayon ang mga suspek sa Jolo Municipal Police Station at nakatakdang sampahan sa korte ng paglabag sa Section 5 (Selling) at Section (11) ng Republic Act. 9165 o Dangerous Drugs Act Law of 2002. (KOI HIPOLITO)