December 24, 2024

1,775 NAVOTEÑOS NAKUHA NA ANG SAP 2ND TRANCHE

Binisita ni Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – National Capital Region, sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng natitirang P5,000 cash assistance ng ikalawang tranche ng Bayanihan 1 Social Amelioration Program (SAP) na sa wakas ay makukuha na ng nasa 1,775 pamilyang Navoteño makalipas ang mahigit dalawang taon. (JUVY LUCERO)

NASA 1,775 pamilyang Navoteño ang sa wakas ay nakuha na ang kabuuang halaga ng kanilang ikalawang tranche ng Bayanihan 1 Social Amelioration Program (SAP).

Sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – National Capital Region, sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pamamahagi ng natitirang P5,000 cash assistance.

“After two long years, our constituents have finally received what is due to them. We hope this will help them start a small business or pay for necessities,” ani Mayor John Rey Tiangco.

Ang mga benepisyaryo ay sumailalim sa validation noong Disyembre 2021 at nakumpirmang hindi pa nakatanggap ng kanilang pangalawang tranche.

Gayunpaman, ang Bayanihan to Heal As One Act 1 ay nag-expire noong 2020 kaya kinailangan ng DSWD na kunin ang pondo para sa hindi nabayarang pangalawang tranche mula sa ibang programa.

Noong Pebrero ngayong taon, pinayuhan ng DSWD ang Navotas na maaari lamang itong magbigay ng maximum na P5,000 bawat benepisyaryo mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.

Upang madagdagan ang disparity, ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng pamumuno ni dating Mayor at ngayon ay Cong. Toby Tiangco, ibinalik ang P3,000 deficit at ipinamahagi ang halaga sa pamamagitan ng SAP-LOLO Program (Saklolo Para sa mga Navoteñong Kulang ang Natanggap na 2nd Tranche SAP mula sa DSWD-NCR) noong March.

Noong Disyembre 2020, sumulat na siya sa DSWD-NCR tungkol sa mga hindi nakasamang pangalan ng mga benepisyaryo sa SAP second tranche payroll. Siya ay nagpadala ng kabuuang 51 na liham na may 4,382 na pangalan ng mga Navoteño.

“We thank DSWD Secretary Erwin Tulfo, DSWD-NCR Director Pinky Romualdez, and AICS Focal Person Jeremiah Farol for their assistance and for keeping DSWD’s promise to give Navoteño SAP beneficiaries what is rightfully theirs,” ani Cong. Tiangco.