December 25, 2024

SC NAGLABAS NG SHOW CAUSE ORDER VS LORRAINE BADOY

INATASAN ng Supreme Court (SC) si dating anti-insurgency task force spokesperson Lorraine Badoy na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng contempt sa mga naging pahayag laban kay Judge Marlo Magdoza-Malagar.

Sa isang pahinang press briefer, inihayag ng public information office na inatasan ng Supreme Court en banc si Badoy na magpaliwanag sa loob ng 30 calendar days kung bakit hindi siya maaaring patawan ng contempt.

Nitong Martes ay naghain ng petisyon sa SC ang grupo ng mga abogado at dekano ng mga law school upang hilingin na patawan ng indirect contempt si Badoy dahil sa pag-red tag at pagbabanta sa buhay ni Judge Malagar.

Ang petisyon ay inihain nina dating Philippine Bar Association head Rico Domingo at Ateneo Human Rights Center executive director Ray Paolo Santiago. Kasama rin sa mga petitioner sina dating Dean Antonio La Viña at mga dekano na sina Soledad Deriquito-Mawis, Anna Maria Abad at Rodel Taton.

Matatandaan na inakusahan ni Badoy si Malagar na kaibigan at nag-aabogado sa CPP-NPA matapos nitong ibasura ang proscription case para ideklarang terrorist group ang mga nasabing grupo. Nagkomento pa si Badoy sa Facebook ng scenario na ipapapatay niya ang judge dahil sa kanyang ‘political belief.’