November 5, 2024

MGA POWERHOUSE DRAGONBOAT CLUB TEAMS SASAGWAN SA TALISAY, BATANGAS

DAGSA na ang mga  club teams na binabanderahan  ng mga pinakamahuhusay na paddlers sa lalawigan at karatig maging ng mga taga-Kamaynilaan sa pagratsada ng tatlong araw na karerang  sasagwan sa lawa ng Taal mula Oktubre 7 hanggang 9 sa Talisay, Batangas.

Inaasahan ang de kalidad at mataas na level ng kumpetisyon ang ipamamalas na performance ng mga koponang pinagkukunan din ng pinakamagagaling at potensiyal na maging miyembro ng elite national team sa hinaharap sa kanilang pagkampay sa Club Balai Isabel ng naturang bayan.

Ang kumpetisyon na may basbas ng Philippine Canoe Kayak and Dragonboat Federation at suportado ng grupong Sagip Taal Lake, Club Balai Isabel, local government unit ng Talisay at Rea Event Specialist ay barometro rin ng  pagsulong ng naturang team watersport sa buong kapuluan.

Ang tunggalian sa lawa na lalahukan din ng mga bagito pero may ibubugang   mananagwang kabataang paddlers ay may temang ‘Sagip Taal Lake at may titulong SAGWAN SAGIP TAAL LAKE ayon kay Club Balai Isabel Account Exeutive Arnnie Miano kasabay na rin ng pagdiriwang ng tanyag na  asosasyon kung watersports partikular  ang dragonboat din lang ang pag-uusapan.

Ang naturang Dragonboat Race Festival ay sa timon ng NSA (national sports associations) sa bansa na PCKDF na  pinamumunuan ng pangulo na si Teresita Uy katuwang si Secretary General Borg Pelias habang si  Len Escollante ang siyang head coach ng Philippine Canoe Kayak and Dragonboat Federation at kasalukuyang nombradong deputy Chef de Mission ng Team Philippines na sasabak sa 32nd Southeast Asian Games  Cambodia 2023.