November 2, 2024

9 arestado sa P390K ninakaw na cable wires sa Valenzuela

KULUNGAN ang kinasadlakan ng siyam katao matapos maaktuhan ng mga pulis na tinatangay ang halos P.4 milyon halaga ng cable wires na pag-aari ng isang telephone company sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong mga suspek bilang sina Teddy Arevalo, 28; John Mike Pelayo, 25, Joven Aballa, 30; Rogelio Madriaga III, 23; Jeferson Abayon, 25; Edwin Dela Trinidad, 35; Noel Apan Jr, 28, pawang ng Quezon City, Jeffrey Palco, 22, ng Laguna; at Rolando Dela Cruz, 43, ng Batangas na pawang nahaharap sa kasong Theft.

 Ayon kay PLt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela police, habang nagpapatrolya sina PSMS Lauro Artates Jr, at PSSg Wilbert Ugale, kapwa ng Sub-Station 9 sa kahabaan ng McArthur Highway, Brgy. Karuhatan nang maaktuhan nila ang mga suspek na pinuputol ang cable wires sa loob ng manhole at hinahatak gamit ang isang Mitsubishi Canter dakong alas-2 ng madaling araw habang ang iba nilang kasamahan ay naghihintay naman sa isang kulay orange na Toyota Vios.

Sinita sila ng mga pulis at nang hanapan ng kaukulang mga dokumento sa kanilang aktibidad ay walang maipakita ang mga suspek

Kaagad nakipag-ugnayan ang mga arresting officer sa naturang telephone company at matapos nilang malaman mula sa representative nito na hindi nila mga empleyado ang mga ito ay inaresto ng mga pulis ang mga suspek.

 Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang gamit nilang dalawang saksakyan, 161-meter (1,200 pairs of copper cable wire) na nasa P266,860 ang halaga, at 161-meter (600 pairs of  copper cable wire) na nasa P127,114 ang halaga, dalawang traffic cones, hammers, hack saw, improvised chisel, nylon rope, at metal chain.