Inaprubahan na ng House Committee on Revision of Laws ngayong Lunes, Mayo 18, ang isang panukalang batas na nagbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno—hanggang sa fourth degree of consanguinity—na pumasok sa anumang kontrata sa pamahalaan.
Ang pag-apruba ay naganap matapos pag-isahin ng komite, sa pangunguna ng pinuno nito na si Rizal Rep. Emigdio “Dino” Tanjuatco III, ang ilang magkakaparehong panukala.
Kabilang sa mga pinagsama-samang dokumento ang bersyon na inihain ni House Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Rep. Tanjuatco, matagumpay nilang napag-isa ang mga probisyon ukol sa disqualification pagkatapos ng serbisyo, kahulugan ng beneficial ownership, mga parusa, subcontracting, at ang pagtrato sa mga kasalukuyang kontrata.
Binigyang-diin niya na binalanse ng komite ang layuning labanan ang korapsyon habang isinasaalang-alang ang sitwasyon ng mga lokal na pamahalaan at ang mga usaping konstitusyonal.
Sa ilalim ng panukala ni Rep. Marcos, sakop ng pagbabawal ang mga kamag-anak ng mga heads of agencies, heads of procuring entities, mga miyembro ng governing boards, at sinumang kawani na may policy-determining, supervisory, o managerial functions.
Saklaw nito ang kapwa career at non-career personnel, kabilang ang mga sundalo at pulis, may sweldo man sila o wala.
Ibig sabihin, bawal nang makakuha ng kontrata sa gobyerno ang mga magulang, anak, apo, kapatid, hanggang sa mga pinsan, tito, tita, at lolo o lola sa tuhod ng mga nakaupong opisyal.
Lalong pinaigting ang panukalang ito kasunod ng mga imbestigasyon kamakailan sa Kamara at Ehekutibo ukol sa conflict of interest ng ilang mambabatas na may koneksyon sa mga kumpanyang nakakakuha ng mga proyekto sa imprastraktura, partikular na sa mga flood control programs.
Ipinaliwanag naman ni Rep. Marcos na ang pondo ng bayan ay dapat magsilbi sa interes ng publiko at hindi para payamanin ang mga kamag-anak o magbigay ng liyamansa sa iilan.
Sa pamamagitan umano ng pagsasara sa butas na ito ng batas, mas mapalalapit ang bansa sa isang patas at transparent na gobyerno.
Sakop ng pagbabawal ang lahat ng kasunduan sa mga ahensya, government-owned or -controlled corporations (GOCCs), at mga local government units (LGUs) na kinapapalooban ng supplies, infrastructure projects, joint ventures, at public-private partnerships.
Gayunman, nilinaw ng komite na hindi kasama sa ban ang mga kontratang maituturing na highly technical, proprietary, o confidential ang kalikasan. (Karlo Garcia)
