NADAKIP ng mga pulis ang isa sa tatlong robbery hold-up suspects na bumiktima sa 21-anyos na kelot habang naglalakad sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Police Captain Albert Juanillo, Sub-Station-9 commander ang naarestong suspek bilang si Levy Baldemos, 39, residente ng Serrano St., Brgy. Marulas.
Sa report ni P/Capt. Juanillo kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, nagsi-cellphone habang naglalakad sa kalsada sa Brgy. Karuhatan si John Paul Delos Santos, 21, ng Rodriguez Rizal nang biglang huminto sa tabi niya ang isang tricycle sakay ang tatlong lalaki dakong alas-12:15 ng madaling araw.
Isa sa mga ito ang bumaba sa tricycle at tinutukan ang siya ng patalim sabay nagdeklara ng hold-up saka inagaw ang cellphone ng biktima bago mabilis na nagsitakas.
“Nagkataon naman po na may witness sa area na gumagawa ng Maynilad re-blocking at nakilala ‘yung mga suspek,” ani PLt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU).
Humingi ng tulong ang biktima at saksi sa mga tanod ng Brgy. Karuhatan na sila namang nagreport sa SS9 kung saan positibong kinilala ng saksi ang dalawa sa mga suspek at sinabing dating inmates ang mga ito sa Valenzuela city jail.
Positibo ring kinilala ng biktima at saksi ang mga suspek makaraang ipakita sa kanila ang police photo gallery.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng SS9, nagawang maaresto nina PSSg Wilbert Ugale at PCpl Janimar Abalos si Baldemos sa kanilang hideout sa Bonifacio St., Arty Subdivision, Brgy. Karuhatan dakong alas-5:00 ng madaling araw kasunod ng tip mula sa saksi at nabawi sa suspek ang cellphone ng biktima na nasa P7,000 ang halaga.
Ipinag-utos na ni Col. Destura ang pagtugis sa dalawang nakatakas na suspek na kinilala ang isa bilang si Marvin Demillo, alyas ‘Nonoy’, 32, ng Anak Dalita, Brgy. Marulas na pawang sasampahan ng kasong robbery. Pinuri naman ni Col. Destura ang mga tauhan ng SS9 dahil sa mahusay nilang trabaho na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek at pinasalamatan din niya ang nagmalasakit na saksi at mga barangay tanod na tumulong sa mga pulis.
More Stories
FIESTA HARAYA 2024 NG DTI SA MARINDUQUE MATAGUMPAY NA NAIDAOS
IWAS HOUSE ARREST: ROQUE NAGPUNTA SA UAE
BENTAHAN NG ILLEGAL VAPES SA ONLINE SHOPPING APPS, TALAMAK