November 23, 2024

Higit P174-milyon shabu, nasamsam sa 3 magkakapatid

Ipirinisinta sa mga mamamahayag ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan at Caloocan Police Chief Col. Samuel Mina Jr. ang 25 kilos at 700 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P174,760,000 ang halaga na nakumpiska sa tatlong magkakapatid na si Kalif Latif, 24, (watchlisted), Akisah, 18, at 14-anyos na naaresto ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sa buy-bust operation sa Block 30, Lot 17, Phase 12, Brgy. 188, Tala, Caloocan City. RIC ROLDAN

Mahigit sa P174 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa tatlong magkakapatid, kabilang ang isang menor-de-edad na narescue sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Sabado ng umaga.

Ipirinisinta sa mga mamamahayag ni Caloocan Police Chief Col. Samuel Mina Jr. at Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang mga naarestong suspek na si Kalif Latif, 24, (watchlisted), Akisah, 18, at kanilang 14-anyos na binatilyong kapatid na narescue, pawang estudyante at ang nakumpiskang 25 kilos at 700 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P174,760,000.00 ang halaga.

Pinuri naman ni Gen. Ylagan ang mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Mina dahil sa matagumpay nilang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay Col. Mina, mahigit isang lingggong isinailalim sa surveillance operation ng mga operatiba ng SDEU ang mga suspek bago isinagawa ang buy-bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sa kanilang bahay sa Block 30, Lot 17, Phase 12, Brgy. 188, Tala, Caloocan city.

Isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nakagawang makapagtransaksiyon sa mga suspek ng P120,000 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium ice plastic bag ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Kabilang pa sa nakumpiska sa mga suspek ang buy-bust money na binubuo ng dalawang tunay na P1,000 bills at 118 piraso ng P1,000 boodle money at dalawang travelling bag na kulay itim at pula.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang tinurn over naman sa DSWD ang menor-de-edad.