May 15, 2025

HARRY ROQUE, CASSANDRA ONG ‘NILABASAN’ NG ARREST WARRANT

ANGELES CITY, Pampanga — Naglabas ang Regional Trial Court (RTC) ng Angeles ng warrant of arrest laban kay dating Palasyo Spokesperson at abogado na si Harry Roque kasama ang sampung iba pa dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.

Kasama sa mga nakatakdang arestuhin ang umano’y kinatawan ng POGO hub na Lucky South 99 na si Cassandra Ong. Ayon sa dokumentong nilagdaan ni RTC Presiding Judge Rene Reyes noong Mayo 8, may probable cause laban kina Roque, Ong, at iba pang siyam para sa non-bailable offenses.

Inihain ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong qualified at regular human trafficking laban kay Roque dahil sa umano’y paglahok niya bilang abogado ng Whirlwind Corporation, na nagpaupa ng lupa sa Lucky South 99, at bilang kinatawan ng naturang POGO.

Umalis si Roque ng Pilipinas noong Setyembre matapos ma-cite for contempt dahil sa pagtangging dumalo sa mga pagdinig ng Kamara kaugnay ng mga offshore gambling sites na ginagamit umano bilang pabalat ng mga ilegal na aktibidad. Noong Disyembre naman, ipinasa niya ang kanyang counter-affidavit mula sa United Arab Emirates na itinanggi niyang abogado siya ng Lucky South 99.

Kasalukuyan siyang naghain ng asylum sa Netherlands, na ayon sa kanya ay dahil sa umano’y political persecution. Ayon sa DOJ, ipipigil nila ang asylum application ni Roque kapag nailabas na ang warrant of arrest laban sa kanya. Idinagdag pa ni DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty na hihilingin ng Pilipinas na maisama si Roque sa red notice ng Interpol.

Sa isang pahayag, binatikos ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) ang umano’y pagbagsak ng kredibilidad ni Roque mula sa pagiging human rights lawyer tungo sa umano’y human rights violator. Hinimok nila si Roque na harapin ang korte at ipaliwanag ang mga alegasyon.

Sa kanyang tugon, sinabi ni Roque na gagamitin niya ang lahat ng legal na paraan upang maprotektahan ang kanyang buhay at kalayaan. Aniya, ang warrant of arrest ay bahagi ng hindi makatarungang pag-uusig laban sa kanya na ilalagay niya sa kanyang asylum application bilang biktima ng political persecution dahil sa kanyang suporta sa pamilya Duterte.

Nilinaw niya rin na hindi ito pagtakas kundi pag-exercise ng karapatang mag-asylum.