November 20, 2024

Halos 60 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Navotas

TINATAYANG halos 60 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang naganap na sunog sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Navotas City Fire Marshal Supt. Jude Delos Reyes, nagsimula ang sunog dakong alas-4 ng hapon sa Silahis St. Brgy. Tanza na halos nasa gilid lamang ng Tangos River.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang mga gawa sa light material ang mga kabahayan sa lugar kaya kaagad na itinaas sa ikalawang alarma ang sunog.

Ayon kay Supt. Delos Reyes, dahil nasa tabing ilog lamang ang mga nasusunog na kabahayan, ginamit nila ang kanilang fireboats na nakatulong ng malaki dahil tuloy-tuloy ang buga ng tubig sa mga nasusunog na kabahayan.

Bandang alas-5 ng hapon nang idineklarang fire out ang sunog na tumupok sa may 30 kabahayan habang wala namang iniulat na nasawi o nasugatan bagama’t karamihan sa mga apektadong pamilya ay walang naisalbang kagamitan sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy at kung magkano ang halaga ng ari-ariang natupok sa sunog habang iniutos naman ni Mayor John Rey Tiangco na pagkalooban ng kaukulang tulong at iba pang pangunahing pangangailangan ang mga nasunugan na karamihan ay pansamantalang nanunuluyan sa basketball court ng Tanza National High School.