January 7, 2025

HALOS 1K LISENSIYA NI-REVOKE NG LTO

HALOS 1,000 driver’s license ng mga pasaway na motorista ang ni-revoke ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa iba’t ibang paglabag nitong 2024, karamihan sa kanila ay lumabag sa pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kasama sa mga ni-revoke ang driver’s license ng  mga motorista sa mga nag-viral na video na namonitor ng social media team ng ahensiya o isinumbong ng mga netizen sa LTO.

“We have a total of 984 driver’s licenses revoked in 2024. Lahat po to ay dumaan sa tamang proseso ng due process,” ayon kay Asec Mendoza.

“And this is also part of our aggressive campaign to impose discipline and for responsible driving as part of the road safety advocacy of our DOTr Secretary Jaime J. Bautista,” dagdag pa niya.

Sa datos ng LTO, sinabi ni Asec Mendiza na ni-revoke ang 736 driver’s licenses dahil sa paglabag sa Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act) kung saan kabilang ang pagmamaneho habang lango sa alak, illegal na droga, at pagtanggi na suumailalim sa mandatory alcohol test matapos ang akisdente sa kalsada.

May kabuuang 130 driver’s license din ang binawi dahil sa paglabag sa RA 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, partikular ang mga kuwestiyonableng paraan ng pagkuha ng driver’s license.

Sa kabilang banda, may kabuuang 94 na driver’s license din ang binawi dahil sa paglabag sa mga probisyon ng RA 10930, ang batas na nagpalawig ng validity ng driver’s license.

Samantala, may kabuuang 24 na driver’s license din ang binawi dahil sa viral videos sa social media at iba pang reklamo na inihain sa LTO Central Office.

Kasama sa mga paglabag ang pagkakaroon ng dobleng lisensya, palsipikasyon ng mga dokumento at pandaraya sa eksaminasyon.

Nauna rito, iniulat ng LTO na may kabuuang 639,323 motorista ang nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag habang may kabuuang 29,709 na sasakyan ang na-impound noong 2024.