Sarado ang mga gym, spa at internet café sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa loob ng dalawang linggo.
Inilabas ng Department of Health ang naturang advisory ngayong Martes, habang ipinatutupad ang NCR Plus ‘bubble’ hanggang Abril 4.
Una nang inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sang-ayon ang 17 mayors sa Metro Manila na ihinto muna itong mga nasabing negosyo.
“Alinsunod sa guidelines na in-issue ng DTI (Department of Trade and Industry) na merong kakayahan ang LGUs na isara ang gyms, spas, at internet cafe, nagbotohan na po ang Metro Manila mayors at sarado po ito sa susunod na dalawang linggo,” ani ni Roque.
Sa NCR plus bubble policy, ang mga residente sa Metro Manila maging sa Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna ay pinagbabawalan lumabas sa NCR plus border maliban na lamang kung ito ay essential trip.
Habang ang mga nasa labas naman ng bubble ay hindi pinapayagang pumasok sa NCR plus maliban na lamang din kung essential trip.
Samantala, mas mainam ang pinatutupad ng gobyerno ngayon sa ilalim ng NCR Plus Bubble kaysa sa mas istriktong quarantine status.
Ito ang inihayag ni National Economic Development Authority Acting Chief Sec. Carl Kendrick Chua sa regular press briefing ng Palasyo.
Ani Chua, mas marami ang magugutom at mawawalan ng trabaho kung muling babalik sa dalawang linggong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Dagdag pa ni Chua, madadagdagan ng 58,000 na magugutom na mga Pinoy mula sa 3.2 million na kabuuang bilang sa kasalukuyan at posible namang tataas ng 128, 500 ang mawawalan ng trabaho mula naman sa 506,000.
Bukod pa rito, inihayag ni Chua na nasa P2.1-B ang maaring mawalang kita ng bansa araw-araw kung babalik sa dalawang linggong MECQ.
Hindi sapat ang 2 linggo —OCTA Research
Para naman sa University fo the Philippines OCTA Research hindi sapat ang dalawang linggong pagpapatupad ng mas istriktong protocol sa loob ng ‘’NCR Plus” Bubble” para bumababa ng 25% ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region.
“Optimistically baka four weeks, kakailanganin natin. May possibility mangyari ‘yan pero parang hindi likely base doon sa model,” ayon kay Prof. David Guido.
Ayon pa Kay Prof. David, sa loob ng dalawang linggo, magkakaroon pa rin ng upward movement dahil sa lakas ng momentum ng virus. Sa ngayon, patuloy na minomonitor ng UP OCTA Research ang kaso ng COVID-19 sa loob ng dalawang linggo pagpapatupad ng mas istriktong protocol dahil sa “NCR Plus” Bubble.
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON