February 23, 2025

‘Guerilla’ POGO lilimasin ngayong taon – PAOCC

Pagsisikapang ubusin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga natitira pang POGO sa bansa na nag-o-operate ng ‘guerilla style”.

Ito’y sa gitna ng ulat ni Bureau of Immigration (BI) chief legal officer Arvin Santos sa Senate Committee on Games and Amusements noong Huwebes na nananatili pa sa bansa ang nasa 11,000 illegal workers ng POGO.

“Kakayanin within the year na maubos na iyan. Unti-unti lang po. Iyan naman ang ginagawa natin, hindi tayo tumitigil.” ani PAOCC Executive Director, Usec Gilbert Cruz,

Aniya, nakakalat sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga dating POGO workers lalo na sa mga hotel at resort na hindi pansinin ang presensya ng foreign nationals para sa kanilang small-scale scamming activities.

Katuwang ng PAOCC sa kampanya laban sa POGO ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Bureau of Immigration (BI), Securities and Exchange Commission (SEC), at ang Anti-Money ­Laundering Council (AMLC).

Kabilang sa minomonitor ang ilang lugar sa Northern Luzon,  ilang bahagi ng Metro Manila, Southern Luzon, at Visayas.