
MANILA — Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na mahigpit na bantayan ang sitwasyon sa Gitnang Silangan kasunod ng umiigting na tensyon at military strikes sa pagitan ng Israel at Iran, na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng langis at abono, ayon sa Malacañang nitong Martes.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace press officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang agarang paghahatid ng tulong sa mga sektor na posibleng maapektuhan, gaya ng fuel subsidy para sa transportasyon at mangingisda.
Sa isang press briefing, sinabi ni Castro na inutusan na ng Department of Energy (DOE) ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng 30-araw na imbentaryo ng kanilang mga produktong petrolyo.
“Kapag po tumaas ang presyo ng crude oil ng mahigit sa $80 per barrel, ang ayuda para sa fuel ng public transport at mga mangingisda ay mati-trigger po,” ani Castro.
Dagdag pa niya, agad na ipapaalam sa Department of Agriculture (DA) at Department of Transportation (DOTr) ang pangangailangang magpalawak ng ayudang pinansyal.
Bukod dito, magsasagawa rin ng dayalogo ang DOE kasama ang mga kumpanya ng langis upang pag-usapan ang posibilidad ng pag-phase o pagpalugit ng oil price hikes, lalo na kung ito ay biglaan at labis ang taas.
Kaugnay naman sa posibleng epekto ng tensyon sa suplay ng abono mula Qatar, sinabi ni Castro na handa ang Pilipinas na kumuha ng alternatibong supply mula sa mga karatig-bansa tulad ng Brunei.
Patuloy ang pagmomonitor ng gobyerno sa umiinit na sigalot sa Gitnang Silangan upang matiyak na hindi ito mauuwi sa krisis na magpapahirap sa mga Pilipino.
More Stories
SBA Season 2, aarangkada sa Setyembre
Arnolfo Teves, Isasailalim sa Malaking Operasyon Dahil sa Matinding Sakit ng Tiyan
HAROLD RESPICIO MAAGAP NA SUMUKO, NAGPIYANSA