Pormal nang pinagtibay ng Globe Telecom, Inc. at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang pagtutulungan para sa mas pinalakas na disaster preparedness at response sa Metro Manila noong Enero 30, 2026.
Sa ginanap na turnover ng Memorandum of Agreement (MOA) sa tanggapan ng MMDA, binigyang-diin ng dalawang panig ang kahalagahan ng mabilis na komunikasyon at koordinasyon sakaling tumama ang kinatatakutang “The Big One.”
Ayon sa pag-aaral ng PHIVOLCS, posibleng magdulot ng magnitude 7.2 na lindol ang paggalaw ng West Valley Fault.
Dahil huling gumalaw ang fault noong 1658, inaasahang muli itong kikilos sa loob ng cycle na 400-600 taon—na ayon sa mga eksperto ay maaaring mangyari malapit sa taong 2058 o mas maaga pa. Tinatayang 40% ng Metro Manila ang direktang maaapektuhan nito.
Ang partnership na ito ay suporta sa Oplan Metro Yakal Plus, ang disaster response plan ng MMDA para sa ganitong uri ng sakuna.
Sa ilalim ng kasunduan, ia-activate ng Globe ang kanilang Disaster Recovery Plan kung saan itatayo ang mga Cell on Wheels (COW) at Network in a Box (NIB) upang matiyak na may signal sa mga kritikal na lugar.
Ang MMDA naman ang magsisilbing katuwang sa mabilis na pag-deploy ng mga tauhan at kagamitan ng Globe sa mga priority sites.
“Ang kasunduang ito ay patunay ng aming pangako na panatilihing konektado ang mga komunidad sa oras na pinakakailangan nila ito. Ang puhunan ng Globe sa resilient infrastructure ay hindi lang para sa serbisyo kundi para patatagin ang kakayahan ng bansa na bumangon sa anumang krisis,” pahayag ni Carl Cruz, President at CEO ng Globe.
Dagdag naman ni Atty. Romando S. Artes, Chairman ng MMDA: “Isang malaking hakbang ito para sa kaligtasan ng mga taga-Metro Manila.
Ipinapakita nito ang lakas ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor. Inaanyayahan din namin ang ibang industriya na makiisa sa pagpapatatag ng ating mga komunidad.”
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng Globe para sa nation-building, kung saan ang maaasahang koneksyon ay itinuturing na “lifeline” na nagliligtas ng buhay at nagpapanatili ng kaayusan sa gitna ng sakuna.
