May 17, 2024

Ginang na tulak arestado sa P170K shabu sa Valenzuela

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang ginang na tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng P170K halaga ng shabu nang maaresto sa buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong suspek na si Sheila Marie Jayme, 44, ng Blk. 6, Lot 1, Lupang Sinilangan, M Delos Reyes, Brgy. Gen T De Leon

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa pagputok ng pangalan ng suspek sa pagbebenta ng shabu kaya isinailalim siya sa validation

Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Cpt. Joel Madregalejo ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek matapos bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa F. Francisco St., Brgy., Gen T De Leon, dakong alas-7:40 ng umaga

Nakumpiska sa suspek ang nasa 25 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P170,000, at buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 8-pirasong P1,000 boodle money

Ayon kay PSSg Carlos Erasquin Jr, kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II of RA 9165 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.