April 19, 2024

GALAWAN, LIMANG ARAW BAGO BOTOHAN

Mga Cabalen, limang araw na lamang po mula ngayon ay botohan na. Naikutan na ba kayo ng mga desperado ngayong eleksiyon? Mga nagtatangkang bilhin ang inyong boto?

Naku po, ang dami pong umiikot na may dalang listahan para kunin ang inyong pangalan at bibigyan daw kayo ng pera, kapalit ng inyong boto sa kanila. Sa Caloocan City, District 3, nakunan ng litrato ang mga nakapilang batang Cancaloo para tanggapin ang biyaya.

Siguro nga para sa ating mga kababayang kapos sa buhay, malaking bagay na mabigyan kahit magkano pa. Ayon nga sa kasabihan ng matatanda “ang nagigipit kahit sa patalim kumakapit.”

Ibat-ibang pakulo para lang makuha ang inyong boto. Pero, sana po mga Cabalen, huwag tayong pauuto.

oOo

Hinimok ni Pangulong Digong ang mga botante na magpa-vaccine bago bumoto. Tama naman para hindi magkalat ang Omicron. Kumalat ang balitang dapat baksinado bago bumoto. Dahil dito, marami sa ating mga kababayan ang naalarma, baksinado man o hindi. Siyempre ayaw mahawa ang ilan, habang ang walang vaccine natatakot na baka piliting magpabakuna.