November 19, 2024

FREELANCE WORKERS DAPAT BIGYAN NG SOCIAL PROTECTION – GATCHALIAN

Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong magbigay ng social protection para sa mga freelance workers kasunod ng inaasahang patuloy ang paglago ng gig economy sa bansa.

“Ang freelancing ay isa nang makabuluhang karera, lalo na sa mga kabataang nagtatrabaho bago pa man ang pandemya ng COVID-19. Sa inaasahang pagtaas ng freelance workers sa darating na mga taon, kailangan nating tiyakin na ang mga social protection scheme ay angkop at tumutugon sa mga pangangailangan ng mga freelance workers,” ani Gatchalian, noong inihain niya ang Senate Bill No. 945 o ang Freelancers Protection Act.

Sinabi ng mambabatas na ang panukalang batas ay naglalayong magbigay ng social protection sa patuloy na lumalagong sektor ng mga freelance workers sa bansa dahil na rin sa inaasahang pagtaas ng demand para sa ganitong uri ng trabaho na lalo pang tumaas dahil sa pandemya. Inaasahan din na magbibigay daan ang batas upang gawing pormal ang sektor.

“Ang pormalisasyon ay maaaring humantong sa mas mahusay na proteksyon at pagbibigay ng mga social services tulad ng credit opportunities, pagsasanay o training, at iba pa, para sa mga manggagawa ng ‘new norma’,” sabi ni Gatchalian.

Noong Hunyo 2021, ipinakita ng datos mula sa Creative Economy Council of the Philippines (CECP) na mayroong humigit-kumulang 1.5 milyong Pilipino ang nakapag-ambag sa tinatawag na gig economy. Noong 2021 din ay lumabas sa pag-aaral na isinagawa ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) at ng World Intellectual Property Organization na ang kontribusyon ng creative o copy-right-based na mga industriya sa gross domestic product (GDP) ng bansa ay P661.23 bilyon o 7.3% ng ekonomiya ng bansa.

Kapag naging batas, ang naturang panukala ng senador ay inaasahang makapagbibigay ng patas na pagtrato sa mga freelance workers, magpapabuti ng kondisyon ng kanilang pagtatrabaho, magpapasimple kanilang tax registrations, at maraming iba pa.

“Inaasahan natin na lalo pang lalawak ang saklaw ng freelancing sa mga dadating na taon at kaakibat nito ang paglago ng kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa kaya’t dapat mabigyan ng karampatang proteksyon ang ating mga freelance workers,” pagtatapos ni Gatchalian.