December 20, 2024

FISH VENDOR NALAMBAT SA P180-K SHABU

KALABOSO ang isang fish vendor at matadero na kapwa sideline umano ang magtulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng halos P.2 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina Jonathan Gaspar alyas “Jojo”, 44, fish vendor ng Estrella St., Brgy. Tañong at Recto Conje, 35, butcher ng C. Perez St., Brgy. Tonsuya.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni Gaspar at front lang umano nito ang pagtitinda ng isda kaya isinailalim siya sa valitadtion.

Nang positibo ang report, kaagad nagsagawa ang mga operatiba sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt Jonas Gato ng buy bust operation kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay Gaspar ng P2,500 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na si Conje sa Leoño Street, Brgy. Tañong, dakong alas-6:45 ng umaga.

Nakumpiska sa mga suspek ang anim pirasong transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang P189,312.00 halaga ng hinihinalang shabu, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang dalawang P1,000 boodle money at isang pen gun na may dalawang bala ng 38mm.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) at paglabag sa RA 10591(Comprehensive Firearms and Ammunation Act) in relation to Comelec Resolution No. 10918.