January 23, 2025

FB GINAGAMIT SA ILEGAL NA SUGAL – PAGCOR

NAGBABALA ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa publiko laban sa mga taong nag-o-operate ng illegal Bingo games at internet/online gambling gamit ang Facebook upang itaguyod ang mga ilegal na aktibidades.

Ayon sa public warning, sinasamantala ng mga mandaraya itong social media at ginagamit ang COVID-19 pandemic upang lokohin ang publiko, magnakaw ng financial information, at gamitin ang mga pagkakilanlan para sa ilegal na layunin. Naloko na!

Kaya ang babala ng PAGCOR sa publiko huwag na huwag ninyong tangkilikin ang ganitong uri ng gawain para hindi kayo mabiktima ng scam, identity theft  at credit card fraud. FYI mga suki, maging ang pagtaya sa ilegal na aktibidades sa pagsusugal ay kabilang din sa krimen.

Tumpak!

Tigilan ninyo na ang pagsusugal dahil mahirap ang naghihimas-rehas. Tama po ba ako, Kagawad Amang, Titser Ariel, Boss Kapot at Barangay Tanod Litong Bagsik? Hehehe…

Binigyang-diin ng babala na walang sinumang tao o organisasyon maliban sa mga lisensiyado ng PAGCOR at iba pang mga ahensiya ng gobyerno ang maaaring magpatakbo ng sugal sa Pilipinas.

Ito’y labag sa batas para sa sinumang tao o samahan na walang lisyensiya sa anumang paraan – direkta man o hindi – sa lahat ng hindi awtorisadong mga aktibidad ng sugal, kabilang na ang online, internet o remote gambling.

Muling inulit ng PAGCOR na kanilang pananagutin ang mga taong sangkot sa illegal na aktibidades  dahil sa malakas na pagkaka-ugnay nito sa pagitan ng illegal gambling at organisadong krimen na sangkot din sa credit card fraud, identity theft at money laundering.

Nagbabala rin si PAGCOR Chief Legal Counsel, Atty. Roderick R.Consolacion sa Facebook Philippines laban sa panggagamit ng mga taong nag-oorganisa ng illegal bingo games at internet/online gambling upang palawakin ang kanilang ilegal na aktibidades.

Hinikayat ng naturang mama ang Facebook Philippines na gumawa ng agarang aksyon sa ilegal na gawain upang maiwasan ang pagdududa na kinakanlong ng kanilang kompanya ang ilegal na sugalan sa ating bansa. Period.