HOLLYWOOD — Hindi na sila flop! Sa wakas, tumama rin sa tamang timpla ang Marvel Studios para sa iconic na superhero team na Fantastic Four!
Sa ilalim ng pamumuno ni Kevin Feige at Disney, ang “Fantastic Four: First Steps” ay kumabig ng $118 milyon (humigit-kumulang ₱6.9 bilyon) sa unang tatlong araw pa lang nito sa 4,125 sinehan sa North America, ayon sa studio estimates nitong Linggo.
Ito ang pang-apat na pinakamalakas na opening weekend ngayong taon, kasunod ng “A Minecraft Movie,” “Lilo & Stitch,” at “Superman.” Sa international box office, kumita rin ito ng karagdagang $100 milyon mula sa 52 bansa—$218 milyon worldwide total sa unang weekend!
“Wala nang ‘superhero fatigue’ — bad movie fatigue ‘yan,” ani Paul Dergarabedian ng Comscore.
Sa wakas, may tamang version na rin ang Marvel’s First Family. Ang pelikula ay nakaset sa retro-futuristic 1960s at sumusunod sa buhay ng mga dating astronaut na sina Reed Richards (Pedro Pascal) – nababanat parang goma; Sue Storm (Vanessa Kirby) – invisible woman; Johnny Storm (Joseph Quinn) – literal na Human Torch; at Ben Grimm (Ebon Moss-Bachrach) – batong kalaban ng mga kalaban.
Ipinakita sa pelikula ang epekto ng powers nila apat na taon matapos ang space accident—mula sa inventions ni Reed hanggang sa peace-building ni Sue.
Hindi lang sa kita nagtagumpay—88% rating sa Rotten Tomatoes, at positive ang exit polls mula sa opening weekend moviegoers.
Halos 46% ng manonood ang piniling manood sa premium formats gaya ng IMAX, senyales na blockbuster talaga ang dating!
Matagal nang sablay ang mga nakaraang bersyon ng Fantastic Four—mula sa 2000s version na pinatanyag ni Chris Evans (bago pa siya naging Captain America), hanggang sa 2015 reboot nina Michael B. Jordan at Miles Teller na binanatan ng mga kritiko.
Ngayon lang muling nabigyan ng tamang reseta ang pamilyang superhero, matapos ang pagkuha ng Disney sa 20th Century Fox noong 2019.
Bagama’t may ilang Marvel titles nitong taon na hindi kumasa sa box office gaya ng “Thunderbolts” at “Captain America: Brave New World,” umaasa ang fans na ito na ang simula ng pagbabalik ng glory days ng MCU.
