June 3, 2025

Fake news at troll farms, target ng panukalang batas ni Cong. Rufus Rodriguez

CAGAYAN DE ORO CITY — Isinusulong ni Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez ang isang panukalang batas na layong gawing krimen ang pagpapakalat ng fake news at operasyon ng mga troll farm at bot network na sadyang lumilikha ng disimpormasyon sa publiko.

Sa ilalim ng House Bill 11506, nais ni Rodriguez na mapatawan ng multang mula ₱500,000 hanggang ₱2 milyon at pagkakakulong ng anim (6) hanggang labindalawang (12) taon ang sinumang mapatunayang sangkot sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

“Ito ay isang seryosong banta sa tiwala ng taumbayan, sa ating mga institusyong demokratiko, at sa pambansang seguridad,” pahayag ni Rodriguez.

Saklaw ng panukalang batas ang mga sumusunod:

  • Sinasadyang paglalathala o pagpapakalat ng fake news o disinformation sa anumang midya.
  • Paglikha, pag-ooperate, o pagpopondo ng troll farms, bot networks, o mga coordinated campaign na ang layunin ay magpakalat ng kasinungalingan.
  • Pagpapalaganap ng impormasyon na maaaring mag-udyok ng karahasan, magpalaganap ng hate speech, manira sa mga demokratikong institusyon, o magdulot ng panic sa publiko.
  • Paggamit o pagpapagamit ng social media platforms sa paulit-ulit at sistematikong pagpapakalat ng disimpormasyon.

Ayon pa kay Rodriguez, sa panahon ng digital age, madaling manipulahin ang pananaw ng publiko gamit ang social media, deepfakes, at iba pang teknolohiyang kayang lumikha ng pekeng nilalaman.

“Ang mga kasinungalingang ito ay may kakayahang manggulo sa lipunan, magtanim ng galit, at sirain ang tiwala sa gobyerno,” dagdag ng mambabatas.

Layon ng panukalang ito na magkaroon ng mas malinaw na pananagutan sa online na kapaligiran, at bigyang proteksyon ang publiko laban sa mga organisadong operasyong may layuning linlangin ang mamamayan.