ARESTADO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration nitong Martes ang puganteng South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa malawakang panloloko.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang 50-anyos na pugante na si Sin In Chul, na naaresto sa kanyang tinutuluyang condominium sa Taguig City ng pinagsanib na puwersa ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Bitbit ng arresting officer ang mission order na inisyu ni Morente dahil na rin sa hiling ng South Korean Embassy kung saan ipinagbigay-alam nito sa BI ang presensiya ng pugante sa bansa.
Sinabi rin ng embahada na paso na ang pasaporte ni Sin, kaya’t siya ay maituturing na undocumented alien.
“We will send him back to South Korea as soon as our Board of Commissioners issues the order for his summary deportation. He will be placed in our black list of undesirable aliens to prevent him from re-entering the Philippines,” ani ni Morente.
Napag-alaman na ang South Korean national ay subject sa red notice na inilibas ng Interpol matapos siyang kasuhan ng fraud, at pinaaresto ng district court sa Incheon, South Korea.
Inakusahan ng prosecutors na mula Enero hanggang Marso 2020, ay nakapanloko si Sin ng 31 niyang kababayan na natangayan niya ng mahigit sa 1.086 billion won o US$914,000 matapos bumili sa kanya ng face mask pero hindi naman idineliver ng suspek.
Nagawang makapambiktima ng suspek sa pamamagitan ng pagpo-post ng advertisement ng kanyang non-existent products sa Internet. Hinihingan niya agad ang mga buyer ng advance payment at ipinapadeposito sa kanyang bank account. At kapag pumasok na ang pera ng biktima ay hindi na niya intensiyon na ideliver ang mga mask na wala naman talaga siyang hawak na item.
Himas-rehas na ngayon si Sin sa CIDG headquarters sa Maynila habang hinihintay na ilabas ang resulta ng kanyang COVID-19 swab test.
More Stories
HAMON NI DUTERTE SA ICC INVESTIGATORS: BILISAN N’YO BAGO AKO MAMATAY
Reward money sa pulis, kinumpirma ni Digong
DUTERTE SASAMPALIN SI TRILLANES SA HARAP NG PUBLIKO (Nagkainitan sa House quad committee probe)