May 29, 2025

Ex-Rep. Arnie Teves Inaresto sa Timor-Leste

Inaresto ng mga immigration officer sa Timor-Leste si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ayon sa ulat ng anak niyang si Axl Teves ngayong Miyerkules ng umaga.

Batay sa ulat ng lokal na media sa Timor-Leste na hatutan.com, si Teves ay kinuha mula sa kanyang tirahan sa Dili at kasalukuyang nasa kustodiya ng Timor-Leste immigration police.

Sa isang video na in-upload ni Axl sa Facebook, maririnig si Teves na nagsasabing, “We are held against our will. They are not letting me go.” Ayon pa kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, hindi umano ipinakita ang anumang warrant o legal na dokumento sa kanilang pagkaka-aresto.

“Bandang alas-8 ng gabi (Dili time), kinuha si Rep. Teves at ang kanyang abogado na si Dr. Joao Serra ng mga immigration police. Si Dr. Serra ay pinagsalitaan at pinilit ng mga pulis,” ani Topacio.

Si Teves ay pangunahing suspek sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4, 2023, sa mismong tahanan ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental. Mariing itinanggi ni Teves ang akusasyon at humingi ng asylum sa Timor-Leste.

Noong Marso ng taong ito, ibinasura ng Timor-Leste Court of Appeal ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas. Gayunpaman, ayon sa bagong pahayag ng Department of Justice (DOJ), tila may pagbabagong tindig na ang Timor-Leste.

“Bagaman tinatanggap namin ang bagong pahayag ng Timor-Leste na hindi dapat manatili si Teves sa kanilang teritoryo, hinihintay pa rin namin ang kanilang opisyal na hakbang — kung siya ba ay ide-deport bilang undocumented foreigner o i-eextradite batay sa nakabinbing aplikasyon ng Pilipinas,” pahayag ng DOJ.

Dagdag pa ng kagawaran, wala pa silang natatanggap na legal o opisyal na dokumento mula sa Timor-Leste kaugnay ng pag-aresto kay Teves.

Samantala, inaabangan ng publiko kung sa wakas ay maibabalik na sa bansa si Teves upang harapin ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.