May 26, 2025

Ex-PNP official na sangkot sa Jee Ick Joo slay… P1M SA ULO NI RAFAEL DUMLAO III

Nagbigay ng direktiba si Executive Secretary at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Chairman Lucas Bersamin para sa paglulunsad ng isang manhunt operation laban kay dating PNP Anti-Kidnapping Group head, Police Superintendent Rafael Dumlao III.

Si Dumlao ang pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo noong 2016, isang krimeng naganap sa loob mismo ng Camp Crame.

Ang kautusan ay inilabas ni Bersamin sa isang pulong kasama ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), kinatawan ng Korean Embassy, at mga miyembro ng Korean community sa bansa. Ito’y kasunod ng mga ulat hinggil sa umano’y lumalalang insidente ng kriminalidad at pagkabahala ng mga dayuhang naninirahan sa Pilipinas.

Ayon kay Bersamin, isang kahihiyan na nananatiling at large si Dumlao, lalo na’t ibinaligtad ng korte ang naunang pagpapawalang-sala sa kanya.

“Kahiya-hiya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang isang suspek sa pagpatay sa isang dayuhan. At mas kahiya-hiya pa na ang krimen ay nangyari sa loob pa mismo ng Camp Crame,” ani Bersamin.

Bilang bahagi ng operasyon, maglalaan ang PAOCC ng ₱1 milyon bilang pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Dumlao.

Si Jee Ick Joo ay dinukot mula sa kanyang tahanan sa Angeles City noong Oktubre 2016 at pinaslang umano sa loob ng headquarters ng PNP sa Quezon City. Ang insidente ay nagdulot noon ng matinding kontrobersiya at batikos sa hanay ng kapulisan.

Patuloy ang panawagan ng PAOCC para sa kooperasyon ng publiko sa paghuli sa suspek upang makamit ang hustisya para sa biktima at muling maibalik ang tiwala sa batas at kaayusan. (BERNIE GAMBA)