January 28, 2025

EX-PNP CHIEF ACORDA UMARAY: ‘DI AKO SANGKOT SA ILEGAL NA POGO

PINABULAANAN ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Benjamin Acorda Jr. na nagkaroon siya ng kaugnayan sa mga personalidad na sangkot sa POGO tulad nina Alice Guo at Tony Yang.

Aminado si Acorda na nasaktan siya at nainsulto sa larawan na inilabas sa pagdinig sa Senado nitong nakaraan lamang.

“I can say to anybody squarely, eye to eye, without flinching an eye na malinis tayo diyan kay Alice Guo. Wala tayong pakialam diyan sa pagtakas niya. Hindi rin ako tumatanggap ng pera sa kanya,” ayon kay Acorda.

Dagdag pa niya na isa siya sa nag-utos sa operasyon upang madiskubre ang illegal na POGO sa Bamban.

Inilabas ni Sen. Hontiveros nitong Martes ang larawan ni Acorda kasama si Yang, kapatid ni Guo na si Wesley, at si Sual Mayor Dong Calugay, na pawang iniuugnay sa illegal na POGO.

Kinuwestiyon ng naturang senador kung bakit ang kasama ng mga opisyal ang isang pugante (Yang).

Pero ayon kay Acorda na walang siyang ideya na may criminal background si Yang nang magpakuha ng larawan na sinasabing noong “2010” pa.

“As I have said medyo masakit, hindi lang medyo, talagang masakit because for 37 years I tried to keep my records clean pero just for one picture or many pictures and with so many innuendos nasira kaagad. Pero kasama na yan sa serbisyo,” aniya.

Si Acorda ay nagsilbing PNP chief mula Abril 2023 hanggang Marso 2024.

Sinabi ni Hontiveros na bibigyan ng pagkakataon si Acorda sa susunod na pagdinig ng kanyang komite para ipaliwanag ang kanyang sarili.