January 19, 2025

Estudyante, sugatan sa pamamaril sa Valenzuela

SUGATAN ang 15-anyos na estudyante matapos tamaan ng bala makaraang pagbabarilin ang kanyang kaibigan ng kaaway nito sa Valenzuela City.


Nakaratay habang ginagamot sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa puwitan ang biktimang si alyas “Tunying”, habang nakapiit naman ngayon custodial facility unit ng Valenzuela police ang suspek na si alyas “Piko”, 30, samantalang tinutugis pa ang dalawang hindi kilalang kasama niya.


Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, kakuwentuhan ng biktima ang mga kaibigang sina alyas alyas “Boying”, 17, alyas “Caloy”, 19, alyas “Dadong” 16, at alyas “Egoy”, 13, sa San Simon Angeles Ext. Brgy. Gen. T. De Leon nang dumating ang mga suspe alas-10:56 ng gabi.


Bumunot ng baril si ‘Piko’ at dalawang beses pinaputukan si alyas Boying na kanyang target na patayin dahil sa pagkakaroon nila ng alitan noon pang Disyembre ng nagdaang taon subalit, hindi ito tinamaan.


Sa takot, nagpulasan ng takbo ang magkakaibigan subalit, nasapul ng bala sa puwit si ‘Tunying’ habang tumakas naman ang mga suspek patungong barangay Parada.


Nakahingi ng tulong ang mga biktima sa mga tauhan na barangay na nagdala kay ‘Tunying’ sa nasabing pagamutan bago nila ini-report sa pulisya ang pangyayari.


Agad namang inatasan ni Col. Cayaban ang kanyang mga tauhan na tugisin ang suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya sa kanyang tirahan sa Brgy. Parada subalit, hindi nabawi sa kanya ang ginamit na baril.