IMINUNGKAHI ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at tatlo pang opisyal dahil sa umano’y pagkakasangkot sa malawakang korapsyon sa flood control projects.
Kasama rin sa rekomendasyon ng ICI sina Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, dating Caloocan 2nd District Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy, at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.
Ayon sa ICI, lumalabas na ang mga sangkot ay posibleng lumabag sa Articles 210-212 ng Revised Penal Code (bribery at corruption of public officers), Sections 3(b) at 3(c) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), at Section 2 ng Republic Act No. 7080 (plunder law), dahil sa laki ng perang pinag-uusapan.
“Sa pagsasampang ito, pinatutunayan naming walang sasantuhin sa laban kontra korapsyon. Pananagutin ang dapat managot,” pahayag ni ICI Chairperson Andres Reyes.
Ang mga reklamo ay nakabatay sa sinumpaang salaysay ng tatlong dating engineer ng DPWH-Bulacan na sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, at Jaypee D. Mendoza na una nang natanggal sa serbisyo.
Sa isang pagdinig sa Kongreso, inakusahan ni Hernandez sina Villanueva at Estrada na tumanggap umano ng kickbacks mula sa mga flood control project sa Bulacan, bagay na itinanggi naman ng dalawang senador.
Ayon sa ICI, batay sa mga pahayag ng mga dating inhinyero, lumitaw ang isang “systematic kickback scheme” kung saan ang ilang mambabatas na nagsisilbing project proponents ay naglalagay ng mga flood control project sa National Expenditure Program, House General Appropriations Bill, at General Appropriations Act kapalit ng komisyon na 20% hanggang 30% ng halaga ng proyekto.
Ang mga bayad umano ay ipinadaan sa mga DPWH engineers at contractors kapalit ng pagkuha ng proyekto at mabilis na paglabas ng pondo.
Muling itinanggi ni Sen. Estrada ang mga paratang at sinabing handa siyang patunayan na wala siyang sala.
“Hindi ako tumanggap ng kahit anong pondo para sa flood control projects, at mapapatunayan ko ito sa korte. Puro sabi-sabi lang ang mga paratang,” giit ni Estrada.
“Hindi nito pinanghihinaan ang loob ko na patunayan na wala akong ginawang mali,” dagdag niya.
Sa panig naman ni Senate President Tito Sotto, sinabi niyang dapat hayaan ang legal na proseso na magpasya sa usapin.
Ang rekomendasyon ng ICI ay kasunod ng serye ng imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa mga flood control projects, na nagkakahalaga umano ng daan-daang milyong piso at kinasasangkutan ng mga opisyal ng pamahalaan at ilang contractor.
