January 20, 2025

EPEKTO NG JAPAN TRIP MARARAMDAMAN SA LALONG MADALING PANAHON – PBBM

Produktibo ang working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan.

Ito ang paglalarawan ng Pangulo sa mga naging pulong nito sa mga matataas na opisyal ng Japan at mga malalaking business leaders.

Ayon sa Pangulo, ikinararangal niyang makaharap sina Emperor Naruhito at Empress Masako ng Japan na isa sa pinakatampok sa kaniyang working visit.

Naging makasaysayan din aniya ang 35 na malalaking kasunduan na nalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

“It has been a productive visit and also, one of the highlights of course was my and the First Lady’s audience with Their Majesties, the Emperor and Empress, and it was a very great honor for us to be able to meet him and to again reestablish that connection between the Philippines and Japan,” saad ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo ang importansya ng kaniyang pagbisita dahil nailatag na ang blueprint ng relasyon ng dalawang bansa habang unti-unting bumabangon mula sa epekto ng pandemya.

Naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na mararamdaman ng mga Pilipino ang bunga ng mga naselyuhang kasunduan sa Japan sa lalong madaling panahon pagdating sa Pilipinas.

“And I think that we will be able to feel the effects of these discussions, of these agreements, very, very soon, very rapidly back home in the Philippines,” dagdag ng Pangulo.

Kinilala ni Pangulong Marcos Jr. ang matatag na relasyon ng Pilipinas sa Japan na nagsimula pa ang diplomatic relations noong 1956 kaya malapit na malapit na magkaibigan ang dalawang bansa.

Nagpapasalamat aniya ang Pilipinas sa Japan dahil sa mga naibigay na suporta sa mahabang panahon hanggang ngayon partikular sa larangan ng imprastraktura.

“Those relations have grown and have become deeper as time has gone on and we owe Japan a debt of gratitude for the support that they have given us in those years, even in the ‘60s, in the ‘70s and all the way up to now, where they have supported our infrastructure development,” wika ng Pangulo.