Sa botong 70-11 mga Ka-Sampaguita, nasilyuhan na ang kapalaran ng giant network na ABS-CBN. Tuluyan nang nagsara ang pinto ng Kapamilya dahil 70 sa mga Kongresista ang bumoto na ibasura ang aplikasyon franchise renewal ng istasyon.
Ibig sabihin, karamihan sa mga mambabatas ay hindi pabor at 11 lang ang gustong mabigyan ng prangkisa ang network— habang 2 ang nag-abstain. Ibig sabihin sa resulta ng istatistika, kakaunti lang ang nakikisimpatiya sa network.
Teka, mga Ka-Sampaguita, ano nga ba ang signipikans ng ABS-CBN sa ating mga mamamayan? Sa magagandang palabas ba? Sa mga sikat nilang mga artista? Sa makabuluhang pagbabalita? Sa kanilang charitable work?
Sa ganang akin, may kabutihang dulot din ang mga charitable works ng network kabilang na ang Sagip-Kapamilya at Bantay Bata.
Sa tuluyang pagsasara ng istasyon, nangangahulugan bang nadungisan na naman ang demokrasya? Ng malayang pamamahayag? Nanaig ba ang kasamaan? Papaano kung nabigyan sila ng panibagong prangkisa, sasabihin ba ng ilan na nanaig ang kabutihan? May halong politika ba ang naganap na botohan?
At dahil sa nangyari, mapipilitan ang istasyon na tanggalin ang 11,000 empleyado at i-release ang kontrata ngkanilang mga talents. Sino ang may kasalanan? Taumbayan ba? Mga Kongresista? Ang administrasyon? Mga kalaban sa politika? Ang Pangulong Duterte ba?
Nakikisimpatiya tayo sa mga manggagawa na mawawalan ng trabaho dahil sa pagsara ng network. Subalit, may kapabayaan ang istasyon. Kung lumagay lamang sila sa tama, natakot sa batas ng tao at ng Diyos— malamang nasa ere pa sila ngayon.
Ang katotohanan sa pana-panahong pamamayagpag ay nakasalalay sa lakas at puwersa sa ating paligid. Lahat ng imperyo ay bumabagsak— sa itinakdang panahon. Nabutasan ang istasyon dahil sa ilang pagkakamali gaya ng pasong prangkisa, pagkamamamayan ng may-ari na si Mr. Lopez at iba pa. Sino kung gayun ang may kasalanan?
Hindi na ba sila natuto sa nangyari sa mga nagdaang panahon at imperyo? Na kung gusto mong manatili sa pedestal, huwag kang magpapakita ng kahinaan sa kalaban. Kung may bahid-dungis,kahit gaano ka kalakas, matutumba ka kahit sa puwing lamang.
Para sa karamihan, ang pasya ng mga mambabatas sa prangkisa ng ABS-CBN ay pangingibabaw ng patas at pagpapairal ng batas. Kaya igalang sana ng iba. Hindi lang sa nasabing istasyon umiikot ang buhay natin. Kaya stop na. Move on na.
Pokus na tayo sa pagtutok sa paglaban sa COVID-19 at sa ating mga buhay upang makabangon.
More Stories
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!
‘PASINGAW’ NG LPG NI ‘ERIC’ SA TIAONG, QUEZON WALANG SINASANTO AT WALANG KINAKATAKUTAN
LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA