TULUYAN nang nilayasan nina dating Senate President Vicente Sotto III, Vic Sotto at Joey De Leon, ang TAPE Incorporated, na siyang producer ng “Eat Bulaga!” kasabay ng pasasalamat sa sambayanang Filipino.
Nagtaka ang mga manonood kanina dahil replay ang ipinalabas na episode ng “Eat Bulaga” sa GMA 7 kaya naman mabilis na kumalat ang balita na may malaking announcement na gagawin ang TVJ sa programa.
Habang umeere ang isang throwback production number nina Tito Sen, Bossing at Joey ay bigla itong naputol at ipinakita nang live ang mga kaganapan sa studio ng longest-running noontime show sa bansa.
Ilang sandali pa ay pumagitna na nga sa stage ang TVJ habang nakapalibot sa kanila ang mga Dabarkads, kabilang na sina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros.
Unang nagsalita si Tito Sen, “Pumasok po kami ngayong araw para makapagtrabaho pero hindi po kami pinayagang umere ng new management nang live.”
Sabi naman ni Joey, “Kung natatandaan n’yo po, July 30, 1979 nang simulan namin ang Eat Bulaga at 44 years na po ngayong taon na to. Kaya naman lubos ang aming pasasalamat sa mga naging tahanan namin, unang-una amg RPN 9 for nine years.
“Ang ABS-CBN for six years at ang GMA for 28 years, thank you very much,” aniya pa.
Pahayag pa ni Tito Sen, “Nagpapasalamat din kami sa lahat ng advertisers mula 1979 na nagmahal, nagtiwala at sumuporta sa amin.
“Ganu’n din sa inyo mga Dabarkads, sa mga manonood, sa inyong pagmamahal sa programa na naging bahagi na ng inyong tanghalian.
“Lubos din ang aming pasasalamat kay Mr. Tony Tuviera sa pagkakaibigan at pagiging bahagi ng aming pamilya at higit sa lahat sa Panginoong Diyos na kahit kailan ay hindi niya kami pinabayaan,” dagdag ng dating senador.
Mensahe naman ni Vic na halatang pinipigil ang pagtulo ng luha, “Hindi na po namin iisa-isahin ang laman ng aming mga puso at damdamin. Ang hangad lang po namin ay makapagtrabaho nang mapayapa, walang naaagrabyado at may respeto sa bawat isa.
“Simula ngayong araw, May 31, 2023, kami po ay magpapaalam na sa TAPE, Incorporated. Karangalan po namin na kami’y nakapaghatid ng tuwa’t saya mula Batanes hanggang Jolo at naging bahagi ng buhay ninyo.
“Maraming, maraming salamat sa inyong lahat, hanggang sa muli. Saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isang libo’t isang tuwa,” ang emosyonal pang mensahe ni Bossing sa lahat ng Dabarkads.
Magugunitang hindi mamatay-matay ang mga alingasngas na lilipat sa TV5 ang TVJ kung saan ang Brightlight Productions ang kanilang magiging bagong producer. Tinangkang ayusin ang gusot sa pagitan ng TVJ at TAPE Inc. na hawak ng pamilya Jalosjos.
Wala silang binanggit kung kailan at saan na mapapanood ang “Eat Bulaga” kaya abang-abang na lang tayo sa susunod na kabanata.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW