December 23, 2024

E-BIKE BAGONG HARI NG KALSADA

Bilang na ang araw ng mga pasaway na driver na e-bike dahil sinimulan nang talakayin ng MMDA, LTO at iba pang ahensiya ng gobyerno ang regulasyon sa paggamit ng e-bike.

Walang sinusunod na batas-trapiko ang mga driver ng e-bike kaya nga kahit pumagitna sila sa kalsada, o singitan ang mga sasakyan maging truck man o bus ay wala silang pakialam dahil hindi naman sila pupuwedeng hulihin. Isa rin sila sa ininunguso ng MMDA sa pagbagal ng trapiko sa kalsada.

Kung baga sila ngayon ang tinaguriang bagong hari ng kalsada. Sabi nga e, ‘E-bike lang sakalam!

Kaya naman target ng MMDA, LTO na obligahin sila na irehistro ang e-bike at pakuhanin ng lisensiya ang mga driver nito.

Ito’y para isaalang-alang ang kaligtasan hindi lang mga e-bike driver kundi pati na rin ang pedestrians, tumatawid sa kalsada at mga motorista.

Kapag lumabag sa trapiko o makadisgrasya ang e-bike driver papaano nga naman sila titiketan kung wala naman silang lisensiya at papano sila kakasuhan kung hindi nakarehistro ang kanilang sasakyang de-kuryente?

Napaka-importanteng tandaan sa pagbiyahe sa lansangan, buhay ng mamamayan ang nakasalalay. Mapa-motor man o e-bike, dapat alam nating mga driver ang responsibilidad na kailangan nating sumunod sa batas at regulasyong pantrapiko para maiwasan ang aksidente.

‘Wag tayong maging pasaway dahil mahirap ang ibalik ang buhay na mawawala ‘pag naging pabaya sa kalsada.