December 26, 2024

DZRH REPORTER KINUYOG NG MGA MIYEMBRO NG MANIBELA (Habang nasa coverage ng tigil-pasada)

NAGMARTSA ngayong araw ang mga miyembro ng transport group na Manibela patungo sa mga tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) sa kahabaan ng East Avenue sa Quezon City bilang pagsisimula ng kanilang tatlong araw na tigil-pasada laban sa public utility vehicle (PUV) registration at panghuhuli sa mga unconsolidated na pampasaherong jeep. (Kuha ni ART TORRES)

KINONDENA ng DZRH at ng parent firm nito na Manila Broadcasting Company (MBC) ang umano’y pananakit ng mga miyembro ng transport group ng Manibela sa kanilang reporter na si Val Gonzales.

Sa isang pahayag, sinabi ni MBC-DZRH station manager at vice president for Legal, Atty. Rudolph Steve Jularbal, naganap ang insidente habang ikino-cover ni Gonzales ang ginawang protesta ng mga miyembro ng Manibela sa East Avenue, Quezon City.

“Ang mga kaparehong pangha-harass ay malinaw na pagsikil sa karapatan sa pamamahayag at walang puwang sa isang sibilisadong lipunan,” saad ni Jularbal.

Aniya, dapat managot ang mga nasa likod ng pag-atake upang hindi na maulit ang ganitong mga uri ng insidente.

“Makakaasa ang publiko na mananatiling committed ang MBC-DZRH sa pagtataguyod ng katotohanan sa ngalan ng patas at malayang pamamahayag,” dagdag pa niya.

Itinanggi naman ni Manibela chair Mar Valbuena na sinaktan ng kanilang miyembro si Gonzales.

“Ang grupong Manibela ay mariing pinatututulan ang pahayag ng DZRH reporter na si Val Gonzales na umano’y sinuntok o sinapak siya ng aming mga miyembro,” aniya.

“Ang nakita lamang sa kanyang video report ay ang paligiran diumano siya ng aming mga miyembro, ngunit ito ay para kausapin lamang siya nang mahinhin, ngunit hindi niya nilantad ang kanyang mga malisyosong sinasabi bago siya umere, kaya diumano siya sinaktan,” dagdag niya.

Aniya, si Gonzales umano ang nagsimula ng insidente nang insultuhin nito ang mga miyembro ng transport group.

“Ang mamahayag ay malaya ngunit huwag mong isama ang sarili mong saloobin sa inyong trabahong kinabibilangan upang hindi ito maging bias, maging patas sana tayo sa ating pamamalita,” dagdag niya.

Itinanggi naman ni Val Gonzales na ininsulto o minura niya ang sinumang miyembro ng transport group.

“Hindi po totoo na minura ko sila, hindi ko po siya nakakausap. Baka po ang nagmura sa kanila ay ‘yung mga nape-perwisyo at labis na naabala at naaabala sa pagsara nila sa East Avenue ng mahabang panahon,” giit ni Gonzales.

Sa livestream video ng kanyang report na mapapanood sa Facebook page ng DZRH, makikitang iniuulat ni Gonzales ang mga kaganapan sa tigil-pasada ng Manibela at kung papano hinarangan ng mga ito ang kalsada sa kahabaan ng East Avenue sa Quezon City nang palibutan siya ng mga miyembro ng grupo.

Lumayo na siya at sinabing nasuntok siya sa nangyaring insidente.