November 15, 2024

Duterte: Tularan ang katapangan, pagiging makabayan ni Ninoy; maging bayani sa pamamagitan ng disiplina

KAHIT holiday, patuloy sa pagkuha ng dugo ang mga health workers mula sa mga walk-in individuals para sa libreng COVID-19 testing sa serology clinic ng lokal na pamahalaan sa Kartilya ng Katipunan Shrine sa harap ng Manila City Hall, bilang paggunita sa ika-37 anibersaryo ni dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno na ang pamahalaang lungsod ay hindi titigil sa pagsasagawa ng libreng testing sa mga residente at hindi taga Maynila hangga’t kaya pa ng kanilang pondo. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

NAKIISA si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng Ninoy Aquino Day o pagkamatay ni dating Sen. Ninoy Aquino, 37 taon na ang nakakaraan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na kinikilala ngayong araw ang buhay at ambag ni Ninoy sa pagpapangat ng buhay ng mga inaapi at napapabayaang mamamayan.

Ayon kay Pangulong Duterte, ngayong nahaharap tayo sa matinding global public health crisis, nawa’y tularan natin ang katapangan at patriotismo ni Ninoy para lahat tayo ay maging bayani sa pamamagitan ng pagiging disiplinado at reponsable sa kapwa.

Kasabay nito, nananawagan si Pangulong Duterte sa lahat na makipagtulungan sa gobyerno para mapanatiling ligtas ang ating sarili, pamilya at komunidad, gayundin maging bukas-palad magpaabot ng tulong sa kapwang higit na nangangailangan ngayong panahon ng pagsubok.